ISANG BUONG MANOK

Nung mga binata pa kami, mahilig kaming magkita-kita pagkatapos sa trabaho at mag-inuman sa mga nakapaligid na karinderya sa Makati. Isang gabi lumabas kami nila Dyords at Ariel at
tulad ng nakagawian, nag-inuman kami. Nung paubos na yung pinupulutan naming mani (mga kuripot kasi kami), biglang um-order si Ariel ng "isang buong manok". Nagulat ako kasi mahal yun at baka hindi namin mabayaran. Sabi ni Ariel wag kaming mag-alala at sabay tinanong ako kung "saan ba galing ang manok?" Sabi ko "...sa itlog." Saka niya nilinaw na itlog ang ino-order niya kasi isang buong manok ang laman nun...kung napisa. Yun pala ang code word ng itlog doon sa loob ng karinderya :-)

Ang pag-aaral ng isang piyesa ay parang itlog ng manok na nililim-liman at inaasahang mapisa matapos ng 21 days (alam ko ito kasi nag-alaga kami ng mga manok noon sa gilid ng bahay namin). Depende siyempre sa ating kanya-kanyang talento, puwedeng mabilis o matagal (o habambuhay) nating inaaral ang isang piyesa kahit simple o kumplikado man ito. Mahirap man sa umpisa, dumadali ang pagtugtog ng isang piyesa kung panay nating pa-praktisin at susuriin kung paano ito matutugtog ng maayos.

Paano nga ba nagiging manok ang itlog?

1. Habang nangingitlog ang isang inahen at bago niya upuan mga ito, kain ito ng kain at nagpapataba. Kumbaga sa pag-gigitara, bago tayo sumabak sa isang piyesa, busugin muna natin ang ating kaalaman tungkol dito. Gawi ko nang i-research ang background ng composer at ng mismong composition nito. Binabasa ko muna ang piyesa bago ko ito tugtugin at inaalam ko ang mga importante at mahihirap na passages.

2. Tulad ng pagpipisa ng itlog, kapag in-abandon ng inahen ang kanyang mga itlog, nabubugok ang mga ito at hindi na nagiging sisiw. Sa pag-aaral ng gitara, huwag dali-daliang bibitawan ang piyesa kung hindi pa ito natutugtog ng maayos. Madalas kahit tapos na nating basahin at tugtugin, marami pa tayong matutunan tungkol dito, tulad ng phrasing at dynamics. Kailangang dalhin lagi sa next level ang pagtugtog, mula sa pagiging mekanikal papunta sa pagiging communicative. Tandaan na ang musika ay isang uri ng language at kailangang maintindihan ng nakikinig ang mensahe nito.

3. Kapag nagsimula nang upuan ng inahen ang kanyang mga itlog, halos hindi na ito kumakain.
Paminsan-minsan, mabilis itong nanginginain tapos babalik na kaagad para upuan ang mga itlog niya. Dito makikita na ang sakripisyo ay isa sa mga sangkap sa pag-develop ng isang bagay. Kailangan din ng dedikasyon at konting sakripisyo kung nais mong gumaling sa pagtugtog ng gitara.


4. Kung sa wakas ay napisa na ang itlog, hindi pa rin ito ang katapusan ng istorya kung hindi ito pa lamang ang simula. Mula dito sa punto na ito ay ang panay na pag-aaruga at pag-protekta hanggang ang sisiw ay maging isang manok. Ang pag-aaral ng isang piyesa ay hindi nagtatapos sa pagkabisa nito. Sa paulit-ulit kong pagtugtog ng mga kabisado kong piyesa, nakakadiskubre pa rin ako ng ibang paraang ng pag-express nito.

5. Sa katapus-tapusan at nakakalungkot mang banggitin, hindi lahat ng itlog ay nagiging sisiw.
Sa aking karanasan, isang beses ko lang nakitang napisa ang lahat ng itlog na nilimliman ng inahen namin. Sa dinami-dami ng mga inaaral natin, mangilan-ngilan lang din ang tumatanim sa isip at puso natin. Marami ang nakakalimutan pero meron ding binabalik-balikan para aralin ulit. Ang mahalaga sa pag-aaral ng gitara ay meron kang mga ilang piyesa na kaya mong tugtugin sa mga biglaang sitwasyon.

Sa bandang huli, nasa sa iyo kung ang ano ang iyong turing sa piyesang inaaral mo.

Itlog ba o isa nang buong manok?

Comments

  1. Dahil sa napahanga mo ako sa galing sa pag gitara sa youtube, Hinanap kita sa internet at dito kita nakita,,,wow!!!

    Ang ganda ng messages ng blog mo,,,very inspiring!!!
    Sana marami ka pang mainspire sa galing mo sa pag gitara,,
    Ang sarap pakinggan ng mga pyesa mo,,,Lalo na yung mga tagalog klasik songs, pati na rin sa mga spanish guitars na madalas ko marinig dati noon sa radio stations tuwing linggo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat Arman at nagustuhan mo ang mga videos ko. Sana wag kang magsawang manood.

      Delete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Philippine Guitar Music CD

Kuko Ko

Pengeng Tabs