Kuko Ko

Ang pinakamadaling paraan na ma-identify ang isang classical guitarist ay ang pagpuna sa mga kamay. Mapapansin na mahaba ang mga kuko niya sa isang kamay at maiksi ang mga kuko sa kabila. Siyempre, hindi ito laging totoo kasi ganito rin ang makikita mo sa mga ukulele players pero mas kakaunti lang sila.

Sa halip na gumamit ng plastic fingerpicks, ginagamit ng classical guitarist ang kanyang natural na kuko para mag-produce ng magaganda at iba’t-ibang uri ng tunog sa gitara. Merong ding mga gitarista na ayaw gumamit ng kuko, pero sa ngayon wala pa akong personal na nakikilala na hindi gumagamit ng kuko.

Q: Paano ginagamit ang kuko sa pagtipa?

A: Hindi purong kuko ang ginagamit sa pagkalabit ng strings. Ito ay kumbinasyon ng tip ng daliri at ng kuko. Ang tip ng daliri ang unang lumalapat sa string para patigilin ang pag-vibrate nito tapos saka mo ikakalabit ang kuko. Napakabilis na proseso ito at nagiging reflex na lang ito paglaon. Madalas ay iniiba ang angulo ng kuko bago kalabitin ang string para mabago ang tunog nito pero lagi pa ring nauuna ang tip ng daliri sa string.

Q: Ano ang sukat o  haba ng kuko? Ano ang hugis nito?


A: Depende ang mga yan sa tao kasi may kanya-kanya tayong physical traits. Kailangan alamin mo kung ano ang pinakamabisa para sa ‘yo. Ang kuko ko sa kanang kamay ay mas mahaba ng konti kaysa sa mga nire-rekomenda sa mga libro. Kung titingnan ko ang kanang kamay ko habang ang palad ay nakaharap sa akin, sumusulyap ang mga kuko ko ng mga 3mm mula sa dulo ng daliri ko, sabi sa mga libro ay 2mm or less.

Pagdating naman sa hugis, ang mga kuko ko ay flat kapag tiningnan ang mga daliri ko na nakaturo sa akin. Dahil dito, kinokorte  ko ang mga kuko ko (kung titingnan mula sa itaas) na slanted papunta sa kanan. Ito ay para hindi sumabit sa strings ang mga kuko ko.


Q: Ano ang ginagamit sa paghugis o pagkorte ng kuko?

A: Gumagamit ako ng iba-ibang nail files – mula sa magaspang hanggang sa makinis na grade. Kailangang ang tip ng kuko mo ay gawing makinis at makintab para hindi ito sumabit sa strings.  Huwag na huwag kang gagamit ng nail cutter para i-trim ang kuko kasi dito nagsisimula ang pagka-biyak ng kuko.

Q: Paano ba i-maintain ang mga kuko?

A: Ang pinaka-kaaway ng kuko ay ang pagkabali nito dulot ng maliliit na disgrasya – tulad ng pagsabit at pagkaipit sa zipper or pagtama sa isang kanto. Nung magsimula akong magpahaba ng kuko, marami akong binago sa mga nakagawian ko. Mas madalas ko ngayong gamitin ang kaliwang kamay ko tulad ng pagbukas ng pinto o pagsikwat ng mga bagay-bagay. Basta kung tingin ko ay may risk sa mga kuko ko, kaliwang kamay ko ang ginagamit ko.

Ang tibay ng kuko ay napapanatili kung iiwasan na laging mabasa ito o ma-expose sa mga matatapang na sabon. Marami ring mga nabibiling mga chemical na pampatibay ng kuko pero pinakamabisa pa rin ang pag-iingat. Basta lagi mong isipin na inaabot ng mga ilang buwan bago tumubo ulit ang naputol na kuko, kaya mas magandang mag-ingat na lang.

Meron daw mga diets na nakakapag-patibay ng kuko pero hindi ko sinusunod ang mga ‘yon. Sinigang at adobo pa rin ang madalas kong kainin.

Q: Kung mabali ang kuko, paano na?

A: Marami na kong nasubukan na paraan sa pag-repair ng baling kuko. Gumamit na ako ng pingpong ball (halos pareho kasi ito ng texture ng kuko), superglue, Rico dots (temporary glue ito) at artificial nails. Ang pinaka-ginagamit ko kung sakaling matapyas o mabiyak ang kuko ko ay superglue lang. Kung tuluyang nabali ang kuko ko, gumagamit ako ng artificial fingernails at superglue. Tulad ng nasabi ko na, mga ilang buwan bago bumalik ang haba ng kuko kaya medyo mahirap mag-maintain ng mga ganitong pang-remedyo.


Q: Ang hirap pala, wag na lang kaya?

A: Sa umpisa lang yan. Pero kung talagang nahihirapan ka, magsimula ka munang mag-aral at tumugtog ng hindi gumagamit ng kuko. Pagtagal ay makikita mo rin ang halaga ng pag-gamit ng kuko at ikaw na rin ang magkukusang magpahaba ng mga ito.

Comments

  1. tuturial naman po ndi pa aku gayo marunong niyan hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Marami akong tutorials sa youtube (user = pasigenyo). Check out mo na lang ang channel ko doon. Salamat

      Delete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Philippine Guitar Music CD

Pengeng Tabs