Magbasa muna tayo

Nung Grade 5 kami sa Pasig Catholic College, ang music teacher namin, si Tito Morales ang nagturo sa aming bumasa ng nota. Lagi niyang bitbit ang kanyang melodion at yun ang ginagamit niya para iparinig sa amin ang tono ng bawat nota. Hinihipan niya ang melodion habang tinutugtog ito kaya medyo laging kapos ang hininga niya pag nagsasalita. Isa sa mga exams namin ay kantahin ang mga nota na nakasulat sa manila paper at dinikit sa blackboard. Excited ako kasi parang natural lang sa ken ang magbasa at kumanta. Nung araw ng exam ay dala-dalawa kaming pinatayo at pinakanta sa harapan. Sa tingin ko ay ayos naman ang pagkakakanta ko ng piyesa. Kaso nung makaupo na kami, sinabi sa ken ni Mr. Morales na hindi raw ako kumanta at yung kasama ko lang daw ang narinig niya. Halos binagsak niya ako sa exam. Laking gulat ko kasi iba and inaasahan kong marinig sa kanya. Sa totoo lang, yung kasabay ko ang hindi nagbubuka masyado ng bibig o wala sa tono kung kumanta. Naisahan ako! Sa sobrang inis ko e napaiyak ako sa inuupuan ko kasi ayokong tanggapin yung sinabi niya sa akin. Pero imbes na mainis ako ng tuluyan, lalo akong na-enganyo sa pag-aaral ng music. Kahit hindi pa ko nagbabasa ng piyesa ng gitara o piano ay pakiramdam ko na maganda na ang naging foundation ko. Nung nakatira kami sa mga pinsan ko sa Quezon City eh madalas pinapanood ko ang pinsan ko habang nagpi-piano lesson siya. Pagkatapos niya sa lesson ay inuupuan ko yung piano tapos binabasa at tinutugtog ko yung mga piyesa niya. Ang sarap pala ng pakiramdam kapag nakaka-produce ng music mula sa piano. Wala mang nagturo sa ken eh ang bilis kong naiintindihan ang mga piyesa. Kaya naman nung mag-aral ako ng classical guitar ay hindi ako nahirapan sa pagbabasa ng nota. Nag-focus ako sa pag-develop ng guitar technique habang nagbabasa ako ng mga lessons at complete pieces. Pero mas maganda pa rin sana kung may gumabay sa ken para lalo akong naging magaling sa gitara.

Bakit ko naikuwento ito? Wala lang.

Marami kasi ang nagsasabing hindi sila marunong magbasa ng nota o tabs ng gitara. Pero para sa ken, ang pagbabasa ng nota ay hindi dapat laging naka-associate sa pagtugtog ng isang instrumento. Gaya ng nabanggit ko, kahit boses lang ang gamitin mo matututo kang magbasa ng nota kung aaralin mo ito tulad ng pag-aaral ng isang wika o language. Ang standard notation ay tinawag na "standard" kasi kahit ano pang instrumento ang gamitin mo ay iisa lang ang sinusunod na rules para isulat at basahin ito. 

Paano nga ba makakapagsimulang magbasa ng nota kung ikaw ay matanda na?

Hindi naman edad ang kalaban sa pag-aaral ng mga bagong bagay kundi ang kawalan ng oras at concentration. Mabilis makasagap ng bagong information ang bata kasi wala siyang inaalalang trabaho o problema sa pamilya. Kung ikaw ay medyo may edad na, puwede pa ring matutong magbasa ng nota kung ito ay pag-uukulan mo ng oras. Kung yung ilang taon mong sinayang sa pag-angal na hindi ka makabasa eh ginamit mo sa pag-aaral, dapat sana marunong ka na ngayon. Masakit pero yan ang totoo.

Baka lalong bumagal ang pag-aaral kung aasa lang sa pagbabasa ng piyesa?

Maraming mga piyesa ang natutulog lang kasi walang nagbabasa at tumutugtog nito. Maraming tao ang mahilig mag-collect ng mga libro at sheet music pero ginagamit lang pang-display sa Facebook o kaya pinapakain sa anay. Ang bilis o bagal ng pag-aaral ay depende sa tao at sa pagpursigi niyang mag-aral. Ang pagbabasa ng nota ay isa lang sa mga tools sa pag-aaral. Ito ay susi sa pagtuklas ng mga gawa ng mga maestro ng nakalipas at ng kasalukuyan. Kung gusto mong tumugtog ng totoong musika, mag-aral kang magbasa dahil ito ang magmumulat sa yo sa mga kayamanan at kaalaman ng mga magagaling sa larangan ng musika. Kung gusto mo lang magpasikat at magpa-impress sa social media, tugtugin mo yung pinakasikat na kanta habang naka-headstand ka.

Matuto man akong magbasa, wala namang available na sheet music.

Maraming available na sheet music kung magtitiyaga kang maghanap o kaya mag-invest ng konting pera. Maraming mga music na nasa "public domain" ang available at may mga libreng scores. Marami ring mga sheet music or books na for sale mula sa mga kilalang musikero o arrangers. Minsan umuubra yung "pahingi ng tabs" pero dapat mong intindihin na hindi lahat ng scores ay libre at hindi lahat ng libreng scores ay naka-scan sa pdf or jpeg na puwede lang basta ipamigay. 

Ang hirap naman, huwag na lang kaya?

Dapat mo munang ayusin ang attitude mo at pag-aralan ang sarili kung ano talaga ang gusto mong ma-achieve sa larangan ng musika. Kung kuntento ka na sa pagtugtog ng chords o kaya sa pag-pluck gamit ang konting bass at melody, then huwag na nga lang. 

Kung mahilig kang mag-aral at magbasa ng mga libro, hindi ka mahihirapang mag-aral ng pagbabasa ng nota kasi halos pareho lang ito. Kung ikaw ay talagang desididong palawakin ang iyong kaalaman sa musika, hindi ito magiging balakid bagkus magiging kasangkapan ito para lalo kang gumaling.







Comments

Popular posts from this blog

Philippine Guitar Music CD

Kuko Ko

Pengeng Tabs